Friday, March 6, 2015

Halaga ng isang yakap

Tahimik akong nakaharap sa salamin, tinititigan ko ang aking mukha.Kabado ako. Iniisip ko kung ano nga ang dapat kong maging ayos sa pagkikitang iyon?  Dapat ba akong maging maganda  at presentable? O kaya naman ay magmukhang kaawa-awa? Pati damdamin na dapat kong madama ay hindi ko mawari.  Dapat bang  ako ay  masaya o dapat bang maging malungkot?
Kahapon lang ay nakatanggap ako ng isang text message“Kung puwede sanang magkita tayo; may isang bagay sana akong hihilingin sa ’yo”.
Matagal kong pinag-isipan bago sagutin ang mensaheng iyon at sa huli ay napagdesisyunan kong makipagkita na rin sa taong pinagmulan ng mensahe. Naisip ko, matagal-tagal na rin naman kaming hindi nagkikita at may sumasaksak sa aking kukote at damdamin  na laging nagsasabi at nagpaparamdam na may kulang sa aking buhay.
 Malayo-layo na rin naman ang narating ko sabuhay. Nakapagtapos na ako ng pag-aaral, nakabili ng sariling bahay at lupa, nakapunta sa iba’t ibang lugar at higit sa lahat, nabibili ko ang mga bagay na aking naisin.  Ngunit lagi kong nadarama ang kakulangang iyon…na kailanman ay imposibleng maging kumpleto.
Sampung taon na rin buhat nang mamamatay si Inay.  Buhat noon ay natuto na akong mag-isa. Marami ang naiinggit dahil sa estado ko sabuhay, pero hindi nila alam ang bumabalot na kalungkutan sa aking pagkatao sa tuwinbg ako’y nag-iisa. Lungkot, na ako lang ang nakaiintindi.
 Matapos ng ilang minutong pag-aayos sa harap ng salamin, handa na ako…handa na akong harapin ang malaking hiwagang bumabalot sa aking pagkatao. Handa na akong makipagharap sa kanya anuman ang itsura ko. Matapos ng mahabang panahon na paghihintay…handa na ako.
   Nang ako ay dumating sa sinabi n’yang tagpuan ay naroon na siya at nag-aabang. Natitigan ko ang itsura niya sa malayo. Mababakas ang katandaan dahil sa mga puting buhok nito at kulubot na balat. Naisip ko… ano kaya ang itsura n’ya nung bata pa siya?  Kailan lang naman kasi kami nagkakilala at sa telepono ko lang siya madalas na nakakausap.
 Kabado, excited, masayang malungkot, ngunit hindi ko ito pinahalata.Umupo ako sa harap niya sa lamesang inokupahan niya sa isang mumurahing restaurant.
“Pasensya ka na kung naistorbo kita, kailangang-kailangan lang talaga at wala na akong ibang alam na malalapitan,” bungad niya sa akin at parang nabingi ako sa iba pa niyang sinasabi dahil sa pagkakatitig ko sa kanya. Kinasabikan kong makita ang mukhang iyon sa mahaba ring panahon.
Matapos niyang masabi ang pakay niya sa akin, kinuha ko ang 30 thousand sa aking bag at iniabot sa kanya na litong-lito pa rin sa aking nadarama.
“Huwag kang mag-alala; babayaran kita nang paunti-unti kapag ako ay nakaluwag,” narinig ko na lamang na sinabi niya.
 “Kung puwede lang sana huwag mo nang bayaran ang 30 thousand na iyan…isang mahigpit na yakap lang buhat sa ’yo ay sobra-sobra nang kabayaran,” sa wakas nakakuha rin ako ng lakas ng loob na sabihin sa kanya.
 Nakita ko siyang napaluha at sabay yakap sa akin nang mahigpit.
“Patawarin mo ako, anak, kung ikaw ay naging bunga ng aking pagkakasala at hindi kita napanindigan.  Patawad kung hindi kita napakilala sa tunay kong pamilya dahil natatakot ako.  Inaamin ko, anak, duwag ako. Malaki ang kasalanan ko sa iyo… Patawad.”
Napawing lahat ang aking mabigat na dinadala matapos niyang sambitin ang mga katagang iyon.

No comments:

Post a Comment